BACOLOD CITY – Naniniwala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang kinaing plastic ang sanhi ng pagkamatay ng pawikan o green sea turtle na natagpuan sa baybayin ng Valladolid, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Bago City head Joan Nathaniel Gerangaya, tatlong talampakan ang haba at dalawang talampakan ang lapad ng pawikan na natagpuan ng mga residente.
Walang nakitang sugat sa katawan ng pawikan ngunit may plastic na lumalabas sa kanyang puwetan.
Ayon kay Gerangaya, ang pagkain ng plastic mula sa dagat na hindi natunaw ang maaaring sanhi ng pagkamatay ng green sea turtle.
Paliwanag ng CENRO head, hindi madedetermina ng pawikan ang plastic sa ilalim ng dagat kaya’t kanilang kinakain.
Dahil dito, nanawagan ang DENR official sa mga residente na kung maaari, huwag nang gumamit ng plastic dahil makakasira ito sa kalikasan at sa marine animals.