KALIBO, Aklan — Sumampa na sa tatlo ang patay habang pitong iba pa ang nawawala matapos tumaob ang dalawang motorbansa sa karagatang sakop ng Caluya Antique at isla ng Boracay, madaling araw ng Lunes, Agosto 26.
Ayon kay P/Maj. John Anthony Angio, hepe ng Looc, Romblon Municipal Police Station, na-retrieve ang isa pang bangkay kaninang alas-5 ng madaling araw sa naturang lugar.
Patuloy na tinututukan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ang paghahanap sa iba pang nawawala.
Napag-alamang sa 20 pasahero na sakay ng dalawang bangka, 10 ang nailigtas na nasa maayos nang kalagayan sa San Jose District Hospital sa Carabao Island.
Base sa report ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan, nagmula ang dalawang bangka sa Angol Point, Brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay bandang alas-4:00 ng madaling araw at papunta sana sa Caluya, Antique .
Habang naglalayag, hinampas ng malalaking alon ang dalawang bangka sa kalagitnaan ng Isla ng Boracay at Caluya sanhi ng Habagat.
Sa kabilang daku, nilinaw ng PCG-Aklan na hindi rehistrado ang naturang mga bangka.
Dahil dito, muli silang nagbabala sa mga pasahero ng mga sasakyang pandagat na iwasan ang pagtangkilik sa mga “fly-by-night” o “colorum” na bangkang de motor.
Nagpapatuloy ang search and rescue operation ng pinagsanib na pwersa ng PCG-Aklan, PNP Maritime, Philippine Air Force, ag mga lokal na pamahalaan ng Aklan, Romblon at Antique.
Nabatid na ilan sa mga pasahero ng bangka ay nagtatrabaho lamang sa Caluya habang ang iba ay mismong mga residente.