Nababahala si Bayan Muna Rep. Eufemia C. Cullamat sa posibilidad na magamit ang mga patayang nagaganap sa Negros Oriental para maipatupad ang Martial Law sa lugar.
“Nakakalungkot na mukhang ‘di lang Mindanao ang target nilang may Martial law sa bansa pati ang Negros ay mukhang ginagawan ng scenario ng nga ahente ng gobyerno sa pagtindi ng mga patayan doon,” ani Cullamat.
Ayon sa kongresista, umaabot na sa halos 100 ang mga aktibistang napapatay sa Negros at mukhang itinutulak ng mga pulis na magdeklara ng Martial Law sa lugar sa halip na bigyan ng solusyon ang naturang problema.
Iginiit ni Cullamat na hindi solusyon ang Batas Militar sa problema, bagkus ay nagpapalala lamang ito.
Kasabay nito ay kinondena ng kongresista ang pinapalutang na muling pagpapalawig naman ng Batas Militar sa Mindanao at ang pagsang-ayon dito ni Sen. Ronald Dela Rosa.
Dalawang taon na aniya ang nakalipas nang ideklara ang Martial Law sa Mindanao subalit tumataas pa rin ang bilang ng mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao.
“Kaming mga lumad mismo ang direktang apektado ng Martial Law.Pareho silang taga-Mindanao ni Duterte , pero payag silang pinapatay ang sariling kapatid nila mga taga-Mindanao,” dagdag pa nito.