Binigyang diin ng liderato ng Philippine Red Cross na hindi lang rescue para sa mga tao ang ginagawa nila ngayon sa mga lugar na napinsala ng bagyong Kristine.
Naniniwala ang PRC na hindi lang mga tao ang labis na naapektuhan kundi maging mga alagang hayop ay labis ding nahihirapan at ang iba pa nga ay nawalay sa mga pamilyang nag-aalaga sa kanila.
Sa gitna ng rescue operations ng Philippine Red Cross sa Camarines Sur ay napansin nila ang ilang aso na nasa may bubungan ng isang bahay na lubog sa baha at tila mga nagugutom.
Sa tabi nila ay may isang sako ng pet food. Walang pag aatubili na umakyat ang isang volunteer upang mapakain at mapainom ang mga aso.
Gutom na gutom na lumapit sila sa rescuer habang kumakawag kawag pa ang mga buntot.
Makikita rin sa larawan na lumapit pa ang mga ito sa rescuer at naglambing na para bang nagpapasalamat.
Payo naman ng ilang animal rights advocate na kung may mga kalamidad, mas mainam na pakawalan ang mga alaga mula sa pagkakakulong o pagkakatali, dahil mas may tyansa itong makaligtas kaysa abandonahin lamang sa mga bahay.