-- Advertisements --

Isiniwalat ni Hall of Famer Patrick Ewing na ninakaw ang kanyang dalawang Olympic gold medals at college basketball championship ring matapos looban ang kanyang bahay ilang taon na ang nakalilipas.

Sa isang panayam, sinabi ni Ewing na kabilang sa tinangay ang gintong medalya na kanyang nakuha bilang bahagi ng 1992 “Dream Team”.

Hindi rin daw pinatawad ng mga magnanakaw ang kanyang 1984 Olympic gold medal at ang NCAA championship ring na napanalunan nito kasama ang Georgetown.

Nabawi naman daw ni Ewing ang kanyang college championship ring nang ibenta ito sa eBay.

Kalaunan ay nakakuha naman si Ewing ng replacement gold medals makaraang tawagan si USA Basketball director Jerry Colangelo.

Sa 17 seasons na iginugol ni Ewing sa NBA, kumalap ito ng 11 All-Star selections at itinanghal pa bilang Rookie of the Year noong 1986.