Naniniwala ang Philippine Navy na mapapalakas pa ang kakayahan nito sa pagbabantay sa mga katubigan ng Pilipinas, kasabay ng nagpapatuloy na Sama Sama Exercise 2024.
Unang binuksan ang naturang simulation noong Oktubre 7 kasama ang Estados Unidos, Australia, Canada, France, United Kingdom, at Japan.
Ayon sa Philippine Navy, dadaan sa ilang serye ng specialized training ang mga sundalong kalahok sa naturang pagsasanay tulad ng legal operations, medicine, engineering, logistics, at public affairs.
Gagamitin dito ang mga naval ship ng mga kalahok na bansa, maritime surveillance aircraft, diving and explosive ordnance disposal units, at iba pang military equipment para sa anti-submarine warfare, anti-surface warfare, anti-air warfare, at maritime domain awareness.
Ayon naman kay Naval Forces Northern Luzon Commander CMDRE Edward Ike de Sagon, gagamitin ng Pilipinas ang ilang patrol vessel nito sa naturang exercise.
Ayon sa opisyal, magiging pangunahing venue ang mga karagatan sa Northern Luzon at hindi lalagpas sa 12 nautical miles ang paglalayag ng mga naval ship na kalahok sa naturang exercise.
Ayon naman kay Task Force 73 at Command Logistics Western Pacific Commander, Adm. Todd Cimicata, ang naturang military training ay magiging daan para matukoy ang interoperability sa pagitan ng mga tropa ng Pilipinas, US, at iba pang mga kalahok na bansa.
Hindi aniya intensyon dito na manggulo kundi pagbutihin ang partnership ng Navy ng mga kalahok na bansa.
Ang Sama Sama Exercise ngayong taon ay ang pang-walong iteration ng naturang drill, isang bilateral exercise sa pagitan ng Pilipinas at US ngunit nagsisilbing observer at participants ang iba pang mga bansa.