-- Advertisements --

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering and Operations ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), sinabi niya na patuloy ang kanilang monitoring dahil tuluy-tuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa dam.

Sa ngayon ay nasa 162.85 meters ang actual water elevation ng dam.

Kung magpapatuloy ang kawalan ng pag-ulan, posibleng ilang araw na lamang ay maaabot na ang critical level na 160 meters above sea level dahil umaabot sa .5 meters ang nababawas na tubig sa dam bawat araw.

Sa kabila ng mabilis na pagbaba ng antas ng tubig sa dam ay sinisikap ng NIA-MARIIS na gumawa ng mga hakbang upang mapabagal ito sa pamamagitan ng pagbabawas ng volume ng tubig na ipinapalabas para sa mga irrigation canal.

Sakaling tuluyang maabot ang critical level ay mabibigo na ang Balikatan dam na magtustos ng tubig sa 5 na bayan kabilang ang Saguday, Cabarroguis, Diffun sa Quirino Province, San Mateo at Cordon naman sa Isabela.

Patuloy na hinihingi ng NIA-MARIIS ang koordinasyon ng mga magsasaka na sundin ang kanilang water scheduling at huwag kontrolin ang tubig na dumadaloy sa mga irigasyon para mapapatubigan ang lahat ng mga sakahan.