Siniguro ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na magpapatuloy ang paghahatid ng kanilang ahensya ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Kristine sa Bicol Region.
Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag kasabay ng pagbisita nito sa lalawigan ng Camarines Sur na kabilang sa mga pinakabinahang lugar dahil sa bagyo.
Nagtungo si Gatchalian kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maghatid ng tulong sa mga naapektuhang residente pati na ang iba pang opisyal ng gobyerno.
Namahagi ang Pangulo ng tulong pinansyal habang ang DSWD ay nagpaabot ng 500,000 kahon ng Family Food Packs.
Ito ay para sa mga mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ng Bicol na naapektuhan ng mga pagbahang dulot ng bagyo.
Nasa limang libong mga magsasaka naman na naapektuhan rin ng pananalasa ng Bagyong Kristine ang nakatakdang mabigyan ng tulong.
Batay sa datos ng DSWD, aabot sa 231 na barangay sa rehiyon ang nalubog sa baha dahil sa mga pag-ulang dala ng bagyo habang 600 mahigit na barangay ang bahagyang nalubog sa baha.