-- Advertisements --
panjshir resistance

BAGUIO – Bagaman nagtapos na ang 20-taong giyera ng Amerika sa Afghanistan, patuloy pa rin ang paglaban sa Taliban ng libo-libong mga Afghans na nananatiling loyal sa Islamic Republic of Afghanistan, ang pamahalaan ng nasabing bansa matapos mapatalsik ang Taliban noong 2004.

Nagsisilbing kuta ng mga ito ang Panjshir Province, ang kaisa-isang lalawigan ng Afghanistan na hindi nakontrol ng Taliban habang tinawag ang kanilang grupo na National Resistance Front of Afghanistan o Panjshir resistance at binubuo ang mga ito ng mga anti-Taliban militia fighters at dating army at special forces units ng Afghanistan.

Ayon kay Fahim Dashti, tagapagsalita ng resistance forces, aabot sa 13 ang napatay at marami ang nasugatan sa mga Taliban fighters nang tangkain ng mga ito na pasukin ang kanilang kuta.

Iginiit naman nina Ahmad Massoud at dating Afghan vice president Amrullah Saleh na nagsisilbing mga lider ng resistance forces ang hindi nila pagkilala sa pamahalaan ng Taliban at hindi sila susuko sa mga ito.

Sinabi ni Massoud na kakalabanin nila ang terrorist group para sa pagkamit ng kalayaan at kapayapaan para sa lahat.

Matatagpuan ang Panjshir Province sa hilaga ng Kabul at dahil sa heograpiya nito ay ikinokonsidera itong natural fortress kaya hindi pa ito nasasakop ng mga foreign forces.

Ito din ang nag-iisang lalawigan ng Afghanistan na hindi nakontrol ng Soviet Army noong 1980’s at ng Taliban noong 1996 hanggang 2001 bago pa linusob ng US-led coalition ang Afghanistan kasunod ng 9/11 terror attacks.

Samantala, sa isang recorded speech para sa Panjshir resistance, hiniling ni senior Taliban leader Mullah Amir Khan Motaqi ang pagbaba nina Massoud sa kanilang mga armas at makipag-usap ang mga ito sa Taliban.

Gayunman, sinabi niya na nabigo ang kanilang pakikipagnegosasyon sa mga tribal elders at mga lider ng Panjshir resistance.