Patuloy ang pag-aray ngayon ng mga magbababoy sa bansa nang dahil sa walang humpay pa rin na pagsirit ng presyo ng mga karne ng baboy sa merkado.
May kaugnayan pa rin ito sa naging epekto ng African swine fever sa industriya ng pagbababoy sa bansa.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Department of Agriculture, ang presyo ng pork Kasim ay nagkakahalaga mula Php295 hanggang Php370 kada kilo, habang nasa Php340 hanggang Php420 naman ang presyuhan sa kada kilo ng liempo.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura chairman Rosendo So, tumaas din ang farmgate price ng karne ng baboy sa Php205 mula sa dating Php198 na una nang naitala noong nakaraang linggo.
Ngunit gayunpaman ay hindi aniya dapat na umabot pa ito ng hanggang Php420 bagay na dapat aniya na bantayan ng DA.
Samantala, sa kabilang banda naman ay inamin ni DA spokesperson, Assistant Secretary Arnel de Mesa na talagang kumakaharap sa pagsubok ang hog industry ngayon dahil sa epekto ng ASF at kasalukuyan na aniya nilang pinag-aaralan ang kaukulang pagtugon dito.