Naniniwala si Bataan Rep. Geraldine Roman na ang patuloy na pagtanggi ng Senado na mag-convene bilang impeachment court para litisin si Vice President Sara Duterte ay maaari umanong resulta ng selective interpretation ng Konstitusyon o isang political strategy.
Iginiit ni Roman, chairperson ng House Committee on Women and Gender Equality, na ang katagang “forthwith” na nakasaad sa probisyon ng impeachment sa Konstitusyon ay malinaw na ang ibig sabihin ay agad-agad.
Kinuwestyon ng Kongresista kung bakit patuloy na inaantala ng liderato ng Senado ang paglilitis sa impeachment sa kabila ng malinaw na mandato ng batas.
Dagdag niya na ang pagkaantala ay maaaring isang estratehiyang politikal, partikular na ng mga senador na tumatakbo muli sa eleksyon dahil anging isang malaking isyung pang eleksyon na ang impeachment case.
Nananatili namang positibo si Roman na si Senate President Francis Chiz Escudero at liderato ng Senado ay ikokonsidera ang kanilang posisyon at aaksyon salig sa Konstitusyon.
Sinegundahan naman ito Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at sinabi na ang desisyon kung kailan magsisimulan ang impeachment trial at nakaatang sa liderato ng Senado.
Sinangayunan ito ni Roman at binigyang diin na ang direksyon ng paglilitis sa impeachment ay tinutukoy ng liderato ng Senado kaysa ng indibidwal na senador.
Ang pinaka lohikal aniyang direksyon na sundin dapat ng Senado ay ang mandato ng Konstitusyon na naglalatag ng proseso at timeline ng impeachment trial.
Nang matanong kung naniniwala ba siyang nilabag ni Escudero ang Konstitusyon dahil sa pagaantala ng impeachment trial, umiwas nang magbigay ng pahayag si Roman bagamat nababahala sa pamamaraan ng pagahawak ng Senado sa proseso.
Bagamat naglabas na aiya ng special order ang Senado na naglalatag ng petsa para sa paglilitis ng impeachment, mas nanaisin pa rin ng Kamara na masimulan ito ng mas maaga.
Sa kabila ng pagkaantala, nananatiling optimistiko si Roman na pakikinggan ng Senado ang panawagan para sa mabilis at patas na pagtalakay sa impeachment.