Posibleng ngayong araw o bukas isasampa na ng PNP sa region 6 ang patung-patong na kaso laban kina Rep. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin matapos mambugbog ng isang pulis.
Kasong physical injuries, alarm and scandal, direct assault against an agent of person in authority at grave coercion ang isasampa ng PNP laban sa mag-amang Garin.
Aminado naman si PRO-6 regional police director, CSupt. John Bulalacao na bagamat bailable ang mga kasong isinampa laban sa mga Garin, siniguro nito na mananagot ang mga ito sa kanilang ginawa.
Nakatakda namang isumite ng PNP bukas sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang kanilang rekumendasyon na tanggalan ng police power ang mga Garin.
Inihayag ni Bulalacao na suportado nang Pang. Rodrigo Duterte, DILG Sec Eduardo Ano at PNP chief si PO3 Federico Macaya na biktima ng pambubugbog, ito’y kahit nalalagay sa alangin ang kaniyang buhay dahil sa binangga nito ang makapangyarihang pulitiko.
Nagbabala naman si PRO-6 regional police director CSupt. John Bulalacao sa mga Garin na hindi sila mag-aatubiling ipatupad ang batas lalo na ngayon may lumabas na report na may hawak ang pamilya ng mga hindi lisensiyadong armas.
Kaya apela ni Bulalacao sa mga Garin isuko na sa PNP ang kanilang mga armas at huwag ng hintayin na magsagawa ng raid ang PNP.
Sinisiyasat na rin sa ngayon ng PNP ang security agency na pagmamay-ari ng mga Garin dahil posibleng ilan sa mga baril dito ay hindi lisensiyado.