Nagsampa ang Department of Justice ng mga kasong kriminal sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 33 kontra sa isang kilalang cosmetic company.
Sa isinampa nilang reklamo, kakaharapin ng naturang kumpanya na nagbebenta ng comestic products ang patung-patong na kaso na may kinalaman sa tax evasion at hindi pagbibigay ng tamang impormasyon hinggil sa kanilang tax returns.
Kung saan kasama sa mga kinasuhan ang mismong presidente ng kumpanya nito na si Dioceldo S. Sy at ang treasurer na si Miama S. Siytaoco.
Ayon sa pahayag ng Department of Justice, ang kanilang inisyatibo at hakbang na ito ay bilang pakikibahagi sa programa ng Bureau of Internal Revenue na Run After Fake Transaction o RAFT.
Kung saan base sa imbestigasyon ng RAFT Task Force, ang naturang kumpanya raw ay natuklasang gumagamit umano ng mga ghost receipts na inisyu naman ng isang ghost company.
Kaya ito’y nagresulta sa kanilang over-stated expenses na aabot sa ilang milyon-piso at makapa-benepisyo sa mas mababang taxable income kasabay ng hindi pagdedeklara at pagbabayad ng tamang halaga ng buwis.
Dahil dito, ibinahagi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang kagawaran ay seryoso sa pagpapanagot o prosekyusyon ng ganitong mga uri ng kaso.
Nagpasalamat din siya kay BIR Commissioner Lumagui sa patuloy na pagsusumikap ng kawani sa pagpapatupad ng batas partikular sa may kinalaman sa tax laws.
Samantala, ang kasong isinampa ng Department of Justice ay batay sa kanilang imbestigasyon kalakip ang mga ebidensiyang posibleng magdulot sa pagkakakulong ng mga akusado.