CENTRAL MINDANAO-Sinagot ni Cotabato Governor Emmylou “Lala†Taliño Mendoza ang patutsada ni Secretary Manny Piñol sa mga proyekto nito sa probinsya.
Sa kanyang Facebook post noong nakaraang Marso 23, 2019 binanggit ng kalihim ng Department of Agriculture na si Emmanuel Piñol na may mga pulitiko sa lalawigan ng Cotabato na sinisiraan ang naisakatuparang Solar Powered Irrigation System (SPIS) projects ng naturang ahensya.
Kung inyo pong mamarapatin at bilang Gobernadora ng probinsya ng Cotabato, nais ko pong ipaalam sa inyong lahat na taliwas sa paniniwala ng butihing kalihim, ang kasalukuyang pamunuan ng probinsya ay bukas sa lahat ng tulong mula sa anumang ahensya ng gobyerno. Hindi kailanman tayo magiging hadlang sa mga proyektong ika-uunlad ng lahat ng Cotabateños. Bagkos tayo po ay makikipagtulungan sa lahat ng ahensya na may magandang hangarin para sa ating mahal na probinsya.
At bilang benepisyaryo ng mga proyektong galing sa national agencies, karapatan din po nating magtanong, mag-usisa at lalung-lalo na mapagmasid mula sa inisyal na mga plano hanggang sa aktual na implementasyon dahil pera po ng taong bayan ang ginagamit natin dito.
Matatandaang naging mainit din ang sagutan ng isang pinagpipitagang manunulat na si Jarius Bondoc ng Philippine Star at ng nabanggit na Kalihim dahil din umano sa pagpuna ni Bondoc sa mga iilang proyekto ng DA kabilang na ang mga di gumaganang SPIS.
Ayon kay Bondoc, sa laki ng perang ginamit para maisakatuparan ang mga SPIS projects na ito, marapat na dumaan sa masusing pag-aaral ang mga proyektong ito upang masigurong makamit ang lahat ng layunin ng SPIS.
Ang dalawang SPIS projects na naipamahagi at napondohan noong 2017 pa sa lalawigan ng Cotabato ay hindi gumagana. Isang malinaw na indikasyon na hindi ito dumaan sa maingat at masusing pag-aaral.
Nais ko ring iparating sa Kalihim ng DA na kasama ako at ang Pangulong Duterte sa turnover ceremonies ng SPIS project sa New Janiuay Mlang Cotabato. Palatandaan na ang pamunuan ng probinsya ng Cotabato ay handang makipagtulungan kanino man para sa mas maunlad na lalawigan.
Ako naman ay nagagalak sa mabilisang aksyon ng DA upang ayusin ang mga nabanggit na di gumaganang SPIS. Umaasa kami at ang mga benepisyaryo ng patubig na tuluyan na nating mapakinabangan ang proyektong ito dahil walang lugar ang kapalpakan, katiwalian at kakulangan sa kaalaman sa panahong ito.
Makakaasa po kayong lahat na kasama ninyo ako at ang buong pamunuan ng lalawigan sa pagsubaybay sa mga SPIS projects. Tulad ng pinakitang video ng kalihim sa mga gumaganang SPIS projects sa ibang lugar sa ating bansa, sana ang susunod na video ay palabas na ng mga gumaganang SPIS projects sa probinsya ng Cotabato lalung-lalo na ang SPIS projects sa Aroman, Carmen, Kitubod, Libungan, Pisan, Kabacan, Poblacion 1, Banisilan, Palma Perez, Mlang at Nabundasan, Tulunan na napondohan noong 2018 pa.