Umeksena ng husto si Paul George gamit ang kanyang 43 points at career-high na 10 mga 3-pointers upang idispatsa ng Oklahoma City Thunder ang Miami Heat, 118-102.
Ito na ang ikapitong sunod-sunod na panalo ng Thunder para sa kanilang 33-18 record ngayong season.
Maging ang Fil-Am head coach ng Heat na si Erik Spoelstra ay hindi napigilang bumilib sa performance ni George.
Aminado si Spoelstra na inilatag na nila ang lahat na depensa upang pigilan si George kung saan maging ang zone ay ginawa rin pero wala pa ring epekto sa all-around game ni George.
“We basically tried every coverage we had in our playbook: regular man, trapping him, zone,” ani Spoelstra.
Noong nasa team pa ng Pacers si George ay hirap silang makaisa sa Miami at may pagkakataon na umabot pa sa 11 ang pagkatalo nila.
Matapos ang laro ay nakipagpalitan si Paul ng jersey kay Heat guard Dwyane Wade na nakatakdang magretiro ngayong season.
Samantala, hindi rin naman nagpahuli si Russell Westbrook nang kanyang itala ang ikalima niyang sunod na triple-double nang magtapos siya sa 14 points, 12 rebounds at 14 assists.