Sumailalim umano sa surgery sa kanyang kaliwang balikat si MVP finalist Paul George ng Oklahoma City Thunder nitong Miyerkules (Manila time) upang ayusin ang maliit na punit sa kanyang labrum.
Ang nasabing operasyon ay nangyari limang linggo makaraang sumailalim sa right shoulder surgery si George upang ayusin ang tendon nitong bahagyang napunit.
Humapdi ang kanang balikat ni George sa huling bahagi ng season makaraang ma-injure ito sa kanilang bakbakan ng Denver Nuggets noong Pebrero 26, dahilan para mawala ito ng tatlong laro.
Lumala naman ang dinanas nitong injury sa laban nila ng Houston Rockets noong Abril 9, rason para hindi ito sumabak sa regular-season finale bago bumalik para sa pagsisimula ng postseason.
Si George, na finalist din para sa Defensive Player of the Year, ay tumipon ng career-best averages na 28 points, 8.2 rebounds at 2.2 steals.
Nagbaon din ito ng career-high 292 3-pointers sa 77 games ngayong season.