-- Advertisements --

Humataw nang husto si Chris Paul upang bitbitn ang Oklahoma City Thunder patungo sa 111-103 overtime win kontra Brooklyn Nets.

Ibinuhos ni Paul ang 20 sa kanyang kabuuang 28 points sa fourth quarter at sa extra period upang ibawi ang Thunder sa pagkabigo nila sa Philadelphia 76ers kamakailan.

Tabla sa 103 ang laro bago magpakawala ng magkakasunod na mid-range jumpers si Paul upang hindi na papormahin pa ang Brooklyn.

Tinapos ni Shai Gilgeous-Alexander ang scoring tampok ang kanyang apat na free throws, matapos pumukol ng jumper upang buksan ang overtime.

Nagdagdag din si Gilgeous-Alexander ng 22 points para sa Thunder, na naitala ang ikaanim na panalo sa loob ng pitong laro.

Hindi rin nagpapigil si Steven Adams na kumamada ng double-double na 10 points at 18 rebounds para sa pagtatapos ng 3-1 road trip ng Oklahoma City.

“We fought hard and we knew this was a big game,” wika ni Paul, “and we always say you can’t win them all without winning the first one or the second one or whatnot, and we wanted to go home 3-1. So, good win.”

Nanguna naman sina Taurean Prince na tumabo ng 21 points, at si Caris Levert na naglista ng 20 sa panig ng Nets, na tinanggap naman ang kanilang ikapitong sunod na pagkatalo.

Babalik sa kanilang baluwarte ang Thunder upang harapin ang dadayong Houston sa Biyernes, habang makakasagupa naman ng Nets ang Miami sa Sabado.