CENTRAL MINDANAO – Dahil sa pandemiya ng COVID-19 at sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards, magiging payak o simple lamang ang pagdiriwang ng Kasadya sa Timpupo Festival o taunang fruit festival sa Kidapawan City.
Ayon kay Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, pasasalamat sa masaganang ani ng prutas at kaligtasan ng bawat Kidapaweno ang sentro ng Timpupo Festival ngayong taon kasabay ang panawagan na maging ligtas ang mamamayan mula sa COVID-19 sa pamamagitan ng ibayong pag-iingat.
Kaugnay nito, mga recorded on-line activities ang itatampok sa pagdiriwang ng naturang festival, ayon kay Gillian Ray Lonzaga, ang Investment and Promotions Officer ng lungsod.
Bilang pagbubukas ng selebrasyon kahapon, August 16, 2021 ay itatampok ang “Somaya Pokiyab” na isang tribal ritual thanksgiving.
Susundan naman ito ng City Fruit Situationer kung saan ilalahad ni City Agriculturist Marissa Aton ang sitwasyon o kalagayan ng ani ng prutas sa lungsod.
Bago naman matapos ang araw ay mapapanood ang “Dos Notarin No Kod Salig” (The Lost of the Trust) sa pamamagitan ng dance ensemble at cultural presentation ng Manobo Apao Descendants Ancestral Domain of Mount Apo (MADADMA).
Ngayong araw, August 17, 2021 ay tampok ang announcement of winners ng Kasadya sa Timpupo Fruit Fest Photo Contest at pagsapit ng August 18, 2021 ay gaganapin naman ang virtual presentation ng Ika-74 na anibersaryo ng Kidapawan na may pamagat na “Bountiful Kidapawan” at bilang pagtatapos ng selebrasyon ay ipapalabas ang “Flash from the Past” tampok ang makukulay na kasaysayan at karanasan ng lungsod sa nakalipas na mga panahon.
Hiniling naman ni Kidapawan City Acting Information Officer Atty Jose Paolo Evangelista ang kooperasyon ng bawat Kidapaweno upang maging matagumpay ang pagdiriwang ng Timpupo ngayong taon kahit walang mga face to face activities at tanging on-line presentations ang handog sa publiko.
Hangad din ni Atty. Evangelista ang kaligtasan ng bawat isa mula sa COVID-19 sa pamamagitan ng ibayong pag-iingat at pagsunod sa itinakdang minimum health standards at pagpapabakuna laban sa nakamamatay na sakit.