Asahan umano na magiging simple ngunit makabuluhan ang pormal na handover ceremony ng hosting ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na idaraos sa Malaysia sa Oktubre 3.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Manager of Torch Relay Sandra Dy, highlight sa seremonya ang pagsisindi ng Philippine lantern na simula na ng countdown para sa pagsisimula ng SEA Games sa Nobyembre 30.
Matapos ang seremonya sa Malaysia ay dadalhin na ang torch sa Pilipinas para simulan naman ang serye ng mga torch relay sa iba’t ibang mga bahagi ng bansa mula Oktubre hanggang Nobyembre.
Kasama sa magiging ruta ng mga torch relay ang Davao, Cebu, Manila, at Clark, maging sa Kamara, Senado, at Malacanang.
Ayon pa kay Dy, mahalagang seremonya ang flame handover na nagpapakita ng pag-turnover ng responsibilidad ng dating host sa susunod na host country.
“We want the SEA Games here in the Philippines to be as inclusive as possible. We know that most of the events will happen in Manila, Clark, Subic, La Union and Tagaytay. We want Filipinos in other parts of the country to feel as if they’re part of the SEA Games,” wika ni Dy.
Mangunguna sina Philippine team chef de mission Chairman Butch Ramirez, Phisgoc chairman Speaker Allan Peter Cayetano at Philippine Olympic Committee president Rep. Bambol Tolentino sa pormal na pagtanggap ng Pilipinas sa hosting role mula sa nakalipas na host na pangungunahan naman ng Malaysian Olympic Committee.