-- Advertisements --

Inihayag ni Senator Alan Cayetano na dapat isapubliko ang payout ng ayuda para mapigilan ang kaparehong insidente ng umano’y ayuda scheme sa Davao del Norte at Davao del Sur.

Ginawa ng Senador ang pahayag sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa umano’y fraudulent scheme sa nasabing mga lalawigan kung saan kinuha umano ang kickback mula sa mga subsidiya na nakalaan para sa mga benepisyaryo.

Ayon pa kay Sen. Cayetano, dapat na ianunsiyo sa publiko ng concerned agencies ang halaga na matatanggap ng mga benepisyaryo sa kanilang payouts para sa transparency.

Makakatulong aniya ang lahat ng precautions na nabanggit para maiwasan ang miscommunication at magkaroon ng transparency at accountability sa pamamahagi ng ayuda.

Kaugnay nito, hinimok ng Senador ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na palawigin ang imbestigasyon sa iba pang mga lugar sakaling may mga testigo pang lalantad.