-- Advertisements --

Pinatawan ng P20,000 multa at pinakukuha ng swab test sina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at Rain or Shine rookie Adrian Wong.

Kaugnay pa rin ito sa paglalaro nila ng five-on-five basketball sa isang gym sa Greenhills, San Juan noong nakalipas na linggo, na paglabag sa umiiral na quarantine protocols.

Sa ibinabang utos ni PBA Commissioner Willie Marcial, binigyan ng taning na hanggang bukas, araw ng Martes ang dalawang mga players na sumailalim sa swab test.

Kailangan din umanong sumailalim sa 14-day quarantine ang mga ito bago kumuha ng confirmatory test para mabigyan ng clearance.

Maliban dito, binigyan din sina Aguilar at Wong ng 30 oras na community service.

Bagama’t nagbigay na ng go signal ang gobyerno para ipagpatuloy muli ang mga team practices, ipinagbabawal pa rin ang pagsasagawa ng tune-up games at mga scrimmage.

Bukod kina Aguilar at Wong, kasama rin nilang naglaro sa isang full-court game sina Thirdy Ravena at ang draft pick na si Isaac Go.