Ikinatuwa ng Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football Federation (PFF) ang pagpirma na ng Joint Administrative Order (JAO) para sa magsisimula ng mga ensayo ng mga professional teams.
Pirmado ng Department of Health, Philippine Sports Commissioin at Games and Amusement Board (GAB) ang nasabing kautusan.
Nakasaad dito ang guidelines at protocols para sa mga koponan na mahigpit na susundin ng mga koponan sa pagsisimula muli ng kanilang training matapos ang halos limang buwan na pagkatingga dahil sa coronavirus pandemic.
Pinasalamatan ni PFF president Mariano “Nonong” Araneta ang mga opisyal ng GAB sa pamamagitan ni Abraham Mitra, PSC Chair William Ramiriez at DOH Secretary Francisco Duque dahil sa mabibigyan na sila ng pagkakataon na makapag-ensayo.
Tiniyak nila na kanilang susunding mabuti ang mga ipapatupad na protocols.
Sa panig naman ng PBA, maghihintay muna sila ng isang linggo dahil sasailalim sa COVID-19 testing ang mga players at staff ng PBA bago magsimula ang ensayo.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, mayroon na silang naka-schedule na swab testing bago ang nasabing ensayo.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Makati Medical Center kung saan doon gaganapin ang COVID-19 testing ng 12 PBA teams.
Magugunitang noong March 8 ng magbukas ang 45th season ng PBA at matapos ang ilang araw ay ipinasara ito ng ipatupad ang lockdown dahil sa coronavirus pandemic.