-- Advertisements --

Nakabuwena mano ng panalo ang Barangay Ginebra sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup makaraang idispatsa nila ang Magnolia, 85-79, nitong Sabado ng gabi sa Mall of Asia Arena.

Ipinasok nina Justin Brownlee at Stanley Pringle ang krusyal na mga shots sa nalalabing bahagi ng laro upang mabasag ng Kings ang 77-77 deadlock at maitala ang 1-0 abante sa best-of-three showdown.

Tatangkain ngayon ng fourth-seeded na Kings na walisin na ang Hotshots sa darating na Game 2 sa Martes sa Smart-Araneta Coliseum.

Pumukol ng three-pointer si Brownlee sa huling 4:40 upang burahin ang 77-77 tabla, sinundan ni Pringle ng layup upang hindi na lingunin ang Hotshots.

Gayunman, sinabi ni Ginebra coach Tim Cone na wala raw rason para magdiwang dahil nakalusot lamang sila sa “great defensive game” ng Magnolia.

“Magnolia did a really good job of muddling up the game with their defense,” ani Cone.

Tumabo ng double-double na 20 points at 16 rebounds si Brownlee habang nagtapos na may 18 markers si Pringle para sa Gin Kings.

Sumandal naman kay Paul Lee ang Magnolia na tumipa ng 24 points, maging kay Rakeen Christmas na nagpakawala ng 18 points at 14 boards.

Narito ang mga iskor:

Barangay Ginebra 85 – Brownlee 20, Pringle 18, J. Aguilar 14, Tenorio 11, Thompson 6, Slaughter 6, Devance 6, Caguioa 4, Mariano 0.

Magnolia 79 – Lee 24, Christmas 18, Barroca 11, Sangalang 10, Jalalon 5, Dela Rosa 5, Simon 4, Reavis 2, Melton 0, Gamalinda 0, Pingris 0, Ramos 0, Brondial 0.

Quarters: 26-23; 48-44; 66-60; 85-79.