-- Advertisements --

Handa umano ang PBA na magpahiram ng kanilang mga players para sa gaganaping 30th Southeast Asian (SEA) Games dito sa bansa.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, ito raw ay kung maghahain ng pormal na request ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa kanila upang bumuo ng all-pro team para sa naturang palaro.

Suportado rin umano ng liga ang partisipasyon ng bansa sa SEA Games kung saan idaraos ito mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 15.

Samantala, sinabi naman ni SBP President Al Panlilio, hindi naman daw kailangang ang Gilas Pilipinas pa ang isabak para sa SEA Games.

Hindi rin umano kailangan na si national team head mentor Yeng Guiao pa ang tatayong coach ng naturang koponan.