-- Advertisements --

Binabalangkas na umano ng PBA ang isusumite nilang ikalawang request sa Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa pagbabalik ng mga scrimmage para sa 12 koponan.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, nasa proseso na raw sila ng pagbuo ng karagdagang mga protocol na ipatutupad sakaling payagan na rin ang mga 5-on-5 practice.

Naghahanda na rin aniya ang liga sa oras na tuluyan na ring payagan ang mga scrimmage para sa professional basketball.

Sa ngayon kasi, tanging ang practice at training per batch lamang muna ang pinapahintulutan ng IATF, sa gitna na rin ng coronavirus crisis.

“May protocol na ako pero nagreresearch pa ako. Kukunsulta pa tayo sa mga doktor para kapag sinubmit ko uli sa Task Force, baka ma-level up na to scrimmages. Naghahanda na kami. Baka first week of August, bigay ko na uli sa Task Force,” wika ni Marcial.

Maliban dito, nais din umanong makita ni Marcial kung kaya nilang maduplika ang ipatutupad na health standards ng NBA para sa restart ng 2019-20 season sa Orlando, Florida.

“Makakakuha na rin tayo ng parang template ng NBA. Baka by August, meron tayong madadagdagan o meron na tayong napag-aralan o ‘yun nga kung anong nangyari sa NBA. Gusto ko maging loaded (‘yung mga protocols) kapag nagsimula na tayong mag-scrimmages kapag papayagan tayo” ani Marcial.

Sinabi pa ni Marcial, si PBA vice chariman Bobby Rosales ang naglutang ng ideya tungkol sa petsa kung kailan posibleng isagawa ang resumption ng mga scrimmage.

“Sabi ko, may gawa na akong protocols pero gusto ko munang makita ‘yung mga mangyayari sa practices kapag nagsimula na tayo,” dagdag nito.

Samantala, isasapinal na rin umano ng liga ang mga petsa kung kailan ang pagbabalik ng mga training kung saan posibleng gawin ito sa Hulyo 20 o 22.