Pansamantala munang ipinagpaliban ng Philippine Basketball Association (PBA) ngayong araw ang lahat ng kanilang mga laro at aktibidad bunsod pa rin ng patuloy na paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ng liga na kasama sa mga ipagpapaliban ang Philippine Cup, PBA D-League Aspirants Cup, at ang inaugural PBA 3×3 tournament.
Nabuo umano ang pasya matapos ang ginanap na emergency board meeting kagabi.
Paliwanag naman ni PBA Commissioner Willie Marcial, isinaalang-alang nila ang kalusugan at kaligtasan ng mga fans, players, mga opisyal at mga staff.
“Considering the present situation surrounding COVID-19 and the Presidential declaration of Public Health Emergency, it is our paramount duty and responsibility to ensure the health and safety of our fans, players, teams, officials and staff,” saad sa pahayag.
Kasabay nito, magkakaroon ng araw-araw na assessment ang liga sa epekto ng COVID-19, sang-ayon sa itinakdang panuntunan ng Department of Health at World Health Organization.
“The league however will assess the effects of Covid 19 on a day-to-day basis guided by the parameters set by the DOH and WHO and will remain committed to conduct its games and activities in a safe and responsible manner for all its stakeholders,” dagdag nito.