Desidido si PBA Commissioner Willie Marcial na sampahan ng kaso ang lalaki na nagbihis ng Spider-Man costume at gumawa ng eksena sa Game 5 finals sa pagitan ng San Miguel Beermen at Magnolia Hotshots.
Sinabi ni Marcial na hindi nila palalampasin ang ginawa ng hindi na pinangalanang lalaki.
Nauna rito, natigil ang laro na may natitirang 3:06 minuto sa 4th quarter nang biglang pumasok ang lalaki sa court at nabangga pa si Beermen June Mar Fajardo.
Mabilis na inaresto ang lalaki kung saan sinabi nito na nais lamang niyang palaganapin ang pagmamahalan lalo na at nalalapit ang halalan.
Nakuha rin sa suspek ang nakaimprenta na may nakasulat na “Love! Vote”, “Vote from the Heart”, “Vote wisely this May 13,” at iba pa.
Samantala inamin naman ni June Mar na nagulat siya na may bigla na lamang bumangga sa kanya na tumama sa kanyang jaw.
Ito raw ang dahilan kaya siya napatumba ay dahil sa hilo.
Bagamat naawa umano siya kay “Spider-Man” dahil kinuyog ito ng mga kasamahan at security personnel, hindi naman tama ang paraan nang “pagpapapansin nito.”
“Sa mga fans, wag sanang tularan ang ganoon,” ani June Mar.
Ang Beermen veteran player na si Ronald Tubid na nasuntok pa ang si “Spider-Man” ay nagpaabot din ng sorry sa kanyang ginawa.
Aniya, nagdilim din ang kanyang paningin at nais daw niyang ipagtanggol si Fajardo.
Nasisi pa ni Tubid ang panggugulo ni “Spider-Man” na dahil sa pangyayari ay naapektuhan tuloy ang kanilang momentum sa napakahalagang Game 5.
Nasilat kasi ng Magnolia (3-2) ang SMB, 88-86.
Sa ngayon isang panalo na lamang ang kailangan ng Hotshots upang tanghaling kampeon sa PBA Philippine Cup .