-- Advertisements --

Nagtala ng “come from behind” win ang Meralco makaraan nilang igupo ang Magnolia, 98-92, sa 2019 PBA Governors’ Cup sa Araneta Coliseum nitong Sabado.

Namayani sa Bolts si Chris Newsome na tumipon ng 22 points, 10 rebounds, at tatlong assists; na dinagdagan ni import Allen Durham na nagpakawala ng 21 points, 14 rebounds, at walong assists.

Hindi rin nagpahuli si Raymond Almazan na kumamada ng 19 points, 13 rebounds, and tatlong blocks, kabilang na ang tapal nito kay Mark Barroca sa nalalabing 17 segundo ng final canto.

Umabot sa hanggang 16 puntos ng abanse ng Hotshots, ngunit sinayang lamang nila ito pagsapit ng second half.

Hindi na rin nakaiskor ang Maglonia sa huling apat na minuto, at sinelyuhan ni Baser Amer ang panalo ng Meralco sa free throws na ipinasok nito sa natitirang 30 segundo.

Sumandal naman kay Romeo Travis ang Magnolia na lumikha ng 22 points, siyam na rebounds, tatlong blocks, at dalawang steals.