Positibo ang liderato ng PBA na pagbibigyan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang hirit na magtayo ng bubble sa Clark, Pampanga.
Ayon kay PBA chairman Ricky Vargas, opisyal na nilang naisumite sa IATF noon pang Biyernes ang kanilang apelang ituloy muli ang 2020 season sa loob ng isang bubble environment.
Umaasa naman ang liga na pagsapit ng Huwebes o Biyernes ay may makuha na silang tugon mula sa gobyerno kaugnay sa nasabing paksa.
Malaki rin aniya ang kanilang pag-asa na pagbibigyan ang kanilang hiling lalo pa’t ang COVID-19 testing czar na si Sec. Vince Dizon ay ang presidente rin ng Bases Conversion and Development Authority.
Maliban kay Dizon, umaasa rin sila sa suporta ni Noel Maninkil, ang chief executive officer ng Clark Development Corporation.
“Ang kagandahan dito, we are also working with Secretary Vince and the chairman of Clark, chairman Maninkil, and also we are in touch with GAB chairman (Baham Mitra) who’s been very very helpful in seeing to it that sports continue on the professional side,” wika ni Vargas.
“So we have our fingers crossed,” dagdag nito.
Una rito, sinabi ni Dizon na posibleng ilabas na ngayong linggo ang magiging desisyon ng pamahalaan kaugnay sa pagsasagawa ng bubble.
Binabalak ng PBA na muling ipagpatuloy ang All-Filipino Cup sa Clark sa Oktubre 9 kung saan gagayahin ang konsepto ng NBA bubble sa Walt Disney World sa Orlando, Florida.