Naniniwala si PBA chairman Ricky Vargas na hindi banta sa liga ang interes ng mga koponan mula sa ibang mga bansa sa mga Pinoy players.
Reaksyon ito ni Vargas kasunod pa rin sa pagkuha ng koponan sa Japanese B.League na San-en NeoPhoenix kay dating Ateneo standout Thirdy Ravena.
Ayon kay Vargas, kumpiyansa itong babalik para maglaro sa PBA sa hinaharap ang mga dekalibreng Pinoy players na pinili munang maglaro sa ibang bansa.
Maliban kay Ravena, interesado rin umano ang isang Japanese ballclub sa sinuspindeng si Calvin Abueva ng Phoenix, maging si Terrence Romeo ng San Miguel.
Sa kabila nito, tiwala si Vargas na ang PBA pa rin ang pinakamagandang destinasyon para sa mga basketbolistang Pilipino.
“They will have to rethink if they join that conference (season) or two or join the PBA which is more secure with what they are doing and closer to home,” ani Vargas.
Muli ring binanggit ng TNT KaTropa governor ang umiiral na regulasyon sa PBA kung saan maaaring ma-ban ang player na eligible nang maging pro kung mabigo itong mag-apply para sa draft sa dalawang sunod na taon.
Pero inihayag nito na posibleng ibang kaso ang kay Ravena dahil sa kinausap na nito si PBA commissioner Willie Marcial tungkol sa kanyang plano.
“Si Thirdy naman didn’t apply for the draft but he informed the commissioner that he was looking at playing in Japan,” sambit ni Vargas.
“As of this time, the rule hasn’t changed,” dagdag nito.