Magpapataw umano ang PBA ng multa sa mga players, coach, at staff na lalabag sa mga health protocols sa pagbabalik ng mga team practices na magsisimula ngayong buwan.
Paliwanag ni PBA Commissioner Willie Marcial sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum, ang nasabing hakbang daw ay para mapigilan ang mga miyembro ng team na maging pasaway sa mga practice facilities sa harap ng coronavirus pandemic.
Paglalahad ni Marcial, pinakamababa na raw na multa ang P5,000 ngunit posible itong umabot ng hanggang P100,000 para sa mga dalawang beses na lalabag.
“Sinabi ko sa mga players, magsumbong kayo sa akin kung may violation ‘yung safety officer. Pag may nakita at napatunayan namin na may violation, P20,000 first offense tapos dagdag ng dagdag ‘yun,” wika ni Marcial.
“Kapag ang players naman ang nag-violate sa practice, P20,000 din sila,” dagdag nito.
Ang mga lalabag din sa “closed circuit concept” ay pagmumultahin ng P5,000, at dodoble pa ito depende sa bilang ng nagagawang offense.
Nilinaw naman ni Marcial na papayagan pa rin ang mga players na magtungo sa mga supermarket at drug stores para sa kanilang mga pangangailangan, pero dapat nila itong ipaalam sa liga.
“Ang players, bahay, sasakyan, gym. Kailangan ‘wag kang aalis. Kung aalis ka, hindi maiwasang pumunta sa supermarket o sa drug stores, kailangang sabihin mo kasi may log kami araw araw. Sabihin mo kasi may sarili tayong protocol kapag lumabas ka sa bubble,” ani Marcial.
Sa Hulyo 20 o 22 ay inaasahan nang magbabalik sa practice ang lahat ng 12 teams kasunod ng ibinigay na go-signal ng Inter-Agency Task Force (IATF) para makapagdaos ng training session sa professional basketball at football sa ilalim ng striktong health protocols.