Sinampal ng multa ng PBA si Arwind Santos matapos ang “monkey” gesture nito kay Terrence Jones noong Game Five ng PBA Commissioner’s Cup.
Bago ito, umani ng batikos si Santos makaraan ang pang-iinsulto nito kay Jones nang ma-foul ang TNT import sa huling bahagi ng second quarter ng laro.
Sa ibinabang parusa ng PBA, pinagmumulta ng P200,000 si Santos, maliban pa sa 100 oras ng community service na kailangan nitong pagsilbihan.
“Walang lugar ang racial discrimination sa basketball at sports in general at sa PBA in particular. Hindi pinahihintulutan ng liga yung mga ganung aksyon, at kung maulit pa, mas mabigat na sanction ang ipapataw natin,” wika ni PBA commissioner Willie Marcial.
Sasailalim din ang San Miguel veteran sa ilang mga seminar at counseling para sa equality and racial discrimination.
Nitong Huwebes ng hapon nang ipatawag si Santos ni PMarcial upang makuha ang kanyang panig sa ginawa raw nitong racial slur.
Humingi rin ng dispensa si Marcial kay Jones kaugnay ng insidente.
“Bilang Commissioner, humihingi ako ng pasensya at pang-unawa kay Mr. Terrence Jones at sa kanyang pamilya. Ang PBA at tahanan para sa lahat, bukas para sa lahat at walang kinikilalang kulay, lahi o paniniwala,” ani Marcial.
Kaugnay nito, matapos magmatigas noong una ay humingi na rin ng tawad si Santos kay Jones at sa lahat ng mga fans.
“I don’t mean anything bad for [Terrence Jones]. I hope you forgive me. I wanna say sorry again at gusto kong humingi ng taos-pusong pagpapatawad sa mga fans ng TNT, San Miguel, PBA at sa lahat po ng mga nasaktan,” wika ni Santos.
“Wala po akong masamang intensyon. Inaamin ko po mali po ako. Sana mapatawad niyo po ako, tao lang po ako nagkakamali lang din po ako.”
Una nang sinabi ni Santos na ang kanyang ginawa sa laro ay bahagi lamang ng aniya’y mind games kontra sa import.