Pinatawan na ng PBA ng three-game suspension at ng P75,000 multa si Ateneo coach Tab Baldwin dahil sa binitawan nitong mga batikos sa liga, at sa mga referee at coaches.
Ibinaba ni PBA Commissioner Willie Marcial ang parusa isang araw matapos ang pag-uusap nila ni Baldwin sa ginanap na conference call kasama ang mga opisyal ng liga.
Sa pahayag ng PBA, nanindigan silang malaking kasiraan umano sa liga ang naging pahayag ni Baldwin, na tumatayo rin bilang assistant coach ng TNT KaTropa.
Una nang humingi ng paumanhin si Baldwin kay Marcial sa idinulot na kontrobersya ng kanyang mga komento.
Matatandaang sa isang podcast, binanatan ni Baldwin ang professional league tungkol sa one import rule, officiating maging ang paraan ng pagko-coach sa PBA.
Ngunit paliwanag ng kasalukuyang program director ng Gilas Pilipinas, nagulat na lamang daw siya na nag-iba na ang kahulugan ng kanyang mga komento sa mga nakarinig.
Handa naman daw si Baldwin na harapin ang anumang kaparusahan na ipapataw sa kanya ng liga.