-- Advertisements --

Nasangkot sa gulo ang grupo ni PBA player Jeron Teng kaninang madaling araw sa Fort Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.

Kabilang ang Alaska Aces player na nagtamo ng saksak sa katawan na kasalukuyang ginagamot sa St. Lukes Medical Center.

Arestado naman ang dalawang suspek na nakilalang sina Edmar Manalo, isang US citizen, general construction contractor at residente ng Milipitas, California at kasalukuyang nakatira sa Muntinlupa City at si Willard Basil residente ng Muntinlupa City at isang construction inspector.

Liban kay Teng, kinilala ni Southern Police District director (SPD) C/Supt. Tomas Apolinario ang iba pang mga biktima na sina, Noberto Torres at Thomas Christopher Torres.

Ayon kay Apolinario, batay sa inisyal na imbestigasyon, habang naglalakad umano ang grupo ni Teng sa labas ng isang night club sa BGC ng bigla na lamang silang sinita ng mga suspek na naging dahilan sa pagkakaroon ng mainit na pagtatalo na nagresulta sa gulo.

Ang dalawang kasamahan ni Teng ay mga dati ring players ng La Salle.

Nilinaw naman ni Apolinario na dalawa ang suspek na sangkot sa pananaksak sa tatlong basketbolista.

Sa kabilang dako, ayon naman sa kapatid ni Jeron na si Jeric Teng na isa ring PBA player ng GlobalPort, nagtamo ng saksak sa likod at sa tagiliran ang kaniyang kapatid, maging ang dalawang kasamahan nito na sina Norbert at Torres.

Sinabi ni Jeric buti na lamang hindi tinamaan ang mga vital organs ng kaniyang kapatid.

Pinasinungalingan din ni Jeric ang alegasyon ng mga suspek na self defense lamang ang kanilang ginawa.

Aniya, kung self defense bakit ang kapatid niya at ang dalawang kasamahan nito ay may maraming tama ng saksak.

Kung maaalala bago pumasok sa PBA si Jeron ay star player ng La Salle at naging two-time MVP sa UAAP Finals.

Nakausap na rin NCRPO chief, C/Supt. Guillermo Eleazar ang tatay ni Jeron ang dating PBA player na si Alvin Teng at ang anak na si Jeric.

Iprinisinta naman sa media ang tatlong suspek sa pananaksak sa tatlong basketbolista.

Kasong frustrated  homicide and less serious physical injuries ang isasampa ng PNP laban sa tatlong mga suspek.