Naniniwala si dating Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na dapat umanong baguhin ang ilang mga patakaran sa PBA upang makasabay ang mga Pinoy sa istilo ng laro ng kanilang mga international counterparts.
Ayon kay Guiao, ilan kasi sa mga rules ay bawal sa PBA, ngunit puwede sa mga kompetisyon sa labas ng bansa gayan ng FIBA World Cup.
Paliwanag pa ng NLEX head tactician, nararapat daw itong gawin ng liga upang malantad ang mga Pinoy sa ganitong uri ng officiating at pisikalidad.
Hawak din aniya ng mga Europeans ang bentahe sa isang FIBA game dahil sa mas kapa na nila ang sistema, kumpara sa mga NBA players na sanay sa ibang patakaran.
Una nang sinabi ni Guiao na dapat umanong magkaroon ng mas mahabang training camp ang mga Pinoy sa Europe bilang paghahanda sa mga lalahukang torneyo.
Napapanahon na rin aniya na kumuha ng mga mas batang players para sanayin sa grassroots level.