-- Advertisements --

Sisikapin umano ng PBA na maisagawa ang regular na tatlong conference na schedule para sa kanilang ika-46 season.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, ang ilan sa mga importanteng factors gaya ng availability ng bakuna ang posibleng magdetermina kung maaaring kumuha ng import ang mga koponan sa 2021.

Dagdag ni Marcial, ooblihagin ng PBA ang lahat ng mga players na magpaturok ng bakuna sa oras na maging available na ito.

“Titignan natin. Depende kung ano sitwasyon at depende kung ano ang pinapayagan ng gobyerno,” wika ni Marcial.

May balak din daw ang liga na bumili ng bakuna, at imumungkahi raw ang ideya sa Board of Governors.

Sa oras na magbigay na ng go-signal ang lupon, idudulog naman daw ito ng PBA sa gobyerno.

“Ang balak na rin namin, sasabihin ko sa board na kumuha rin ng vaccine para makapag-bigay din tayo sa mga frontliners, makapag-donate tayo ng vaccine, kung papayagan tayong bumili o, kapag papayagan tayo ng government, makabigay tayo ng vaccines sa nangangailangan. Nasa planning stage ‘yun,” anang basketball official.

Sa ngayon, bukas ang liga na idaos muli ang 2021 All-Filipino sa loob ng bubble sa Clark, Pampanga o sa isang closed-circuit format sa Smart-Araneta Coliseum.

“Kung walang bubble, may vaccine, malaking bagay sa atin ‘yun. Kung wala pang vaccine, titignan natin ‘yung closed-circuit o ‘yung dating bubble,” dagdag ni Marcial.

Bagama’t bukas sa ideyang pagbubukas ng isa pang bubble, inihayag ni Marcial na hindi ito biro kahit na naging matagumpay ang 2020 season.

“Ang hirap nung bubble na ginawa. Nakita ko ‘yung sitwasyon ng mga players. Hindi lang players, lahat ng delegates na siyempre, nung first month, nahirapan sila mag-adjust, sanay sila kasama pamilya nila. Ngayon, hindi nila makakasama. Nung na-adopt na namin ‘yun, nagustuhan na namin, okay na. Pero nung first month, ang hirap,” ani Marcial.

“Pangalawa, ang laki ng gastos ng bubble. Gumastos tayo ng 65 million to 70 million. Ang laki nun. Tingnan natin. Hindi pa natin masasabi as of now. By February siguro, makakadesisyon na tayo,” dagdag nito.