Nakatakdang bumiyahe sa susunod na linggo si Pang. Ferdinand Marcos Jr., patungong Vientiane, Lao People’s Democratic Republic para dumalo sa 44th at 45th Association of Southeast Asian Nations Summit and Related Summits na nakatakda sa October 8-11, 2024.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu, dadalo si Pang. Marcos sa back-to-back na pulong kasama ang iba pang ASEAN leaders at external partners.
Inaasahang tatalakayin ng Pangulo at ng ASEAN heads of state ang regional, international, at geopolitical issues na nakaa-apekto sa rehiyon, kabilang ang sitwasyon sa Myanmar, Gaza, Ukraine, at Korean peninsula.
Pag-uusapan din ang pagsusulong ng renewable energy at zero emission.
Makikipagkita rin ang Pangulo sa ASEAN parliamentary members, Asean business leaders, at gayundin sa 400 na miyembro ng Filipino community sa Laos.
Magkakaroon din ng Bilateral Meetings ang Pangulo sa lider ng Canada, New Zealand at Japan.
Ito ang unang pulong nina Pang. Marcos at ng bagong Japan Prime Minister Shigeru Ishiba, pag-uusapan ng dalawang lider ang isyu sa investment at defense cooperation.
Siniguro naman ni Espiritu na tatalakayin ni Pang. Marcos ang isyu sa West Philippine Sea partikular ang mga recent developments kaugnay dito.