Masyado pang maaga para pag-usapan ang 2028 presidential elections.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa anunsiyo kamakailan ni Vice President Sara Duterte sa mga political plan ng kaniyang pamilya.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., na maaari naman nilang gawin ang kanilang gusto at wala siyang reaksyon dito.
Marami pa aniyang mangyayari mula ngayon at sa 2028.
Bukod diyan, sinabi pa ni Pangulong Marcos na sa darating na Oktubre pa magkakaalaman kung sino talaga ang tatakbo sa 2025 midterm elections at kung anong partido ang magkaka-alyansa.
Ayon pa kay PBBM, hintayin na lamang ang pagsapit ng Oktubre kung matutuloy ang mga inanunsiyong plano sa politika.
Una nang sinabi ni VP Sara na sasabak sa Senado ang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte, mga kapatid na sina Mayor Baste at Congressman Paolo Duterte.
Itinakda ng Commission on Elections ang filing ng Certificates of Candidacy mula October 1 hanggang October 8 ngayong taon.