Kaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Catholic community sa paggunita ng All Saint’s Day at All Soul’s Day.
Hiling din ng Pangulo ang isang makabuluhang UNDAS para sa mga Pilipino.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ng Pangulo na ang pagsunod ng mga Pilipino sa banal na obligasyong ito sa nakalipas na mga siglo ay nagbunga ng mga tradisyon na hanggang ngayon ay dala dala pa rin na nagpapakita ng mayamang kultura ng mga pilipino, kabilang na aniya rito ang pagbibigay halaga sa pananampalataya at pamilya.
Ayon sa Presidente, nagsisilbi na rin itong pagkakataon para makasama muli ang ating mga mahal sa buhay.
Aniya, sa panahong ito mahalagang mapagnilayan natin ang layunin at ang ating walang hanggang pangangailangang gabay ng Panginoon.
Kasabay nito binigyang diin ng Presidente na mahalagang maalala natin ang katapangan ng ating mga santo at mga yumaong mga mahal sa buhay para mabigyan tayo ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang buhay para kay Kristo kahit pa maraming pagsubok ang kinakaharap sa mundong ito.
Ayon sa pangulo hayaan nating ang mga halimbawa ng pananampalataya ay magpatibay sa atin para tanggapin at ipagpasalamat ang mga kaligayahan tungo sa makabuluhang buhay dito sa ibabaw ng mundo at kilalanin ang pangako ng walang hanggang buhay sa pamamagitan ni Hesukristo.
Hangad ng Pangulo ang makabuluhang pag obserba sa araw ng mga santo at kaluluwa.