Binigyang-pugay at pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang mahalagang ambag sa lipunan.
Sa kanyang mensahe para sa labor day celebration ngayong Mayo 1, sinaluduhan ni PBBM ang mga manggagawa dahil sa kanilang sipag, dedikasyon, at pagtitiyaga sa pagtatrabaho.
Pinuri ng Pangulo ang kabayanihan ng mga manggagawa sa buong bansa, mula sa mga nagtatrabaho sa mga industriya sa kalunsuran hanggang sa mga magsasaka sa mga probinsya.
Aniya, mahalaga ang papel ng mga manggagawa sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa.
Kinilala rin ni PBBM ang lahat ng mga tumitindig o humihiyaw para sa katarungang panlipunan, karapatan, tamang benepisyo at karampatang sahod para sa mga manggagawa.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangako ng pamahalaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas na magtataguyod ng mas maraming oportunidad para sa lahat ng mga manggagawa upang mabigyan sila ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang buhay at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.