Naka-alis na ng bansa si Pang. Ferdinand Marcos Jr. patungong Amerika para dumalo sa trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, US at Japan na gaganapin sa Washington DC.
Alas-2:56 ng hapon kanina ng lumipad ang eroplano kung saan lulan ang presidente at si First Lady Liza Marcos.
Sinabi ng Pang. Marcos, ang trilateral summit ay isang kasunduan sa pagitan ng United States, Japan, at Pilipinas na nakatuon sa pagmantine sa seguridad at freedom of navigation sa West Philippine Sea.
Pag-uusapan sa summit ang mga detalye at kung papaano ito ipatupad sa pamamagitan ng cooperation.
Magpupulong ang tatlong lider sina Pang. Marcos, Japan Prime Minister Kishida at US Pres. Joe Biden.
Una ng tiniyak ng US ang kanilang iron clad commitment sa Pilipinas.
Sa departure speech ng Pangulo, sinabi nito na tatalakayin ang mga aksiyon laban sa climate change, gayundin ang critical infrastructure, semi-conductors, digitalization, cybersecurity, renewable energy, at maritime cooperation.
Nilinaw naman ni Pangulong Marcos na bagama’t pag-uusapan ang seguridad at depensa, ay usapin tungkol sa ekonomiya ang pinakalayunin ng summit.
Magkakaroon din aniya sila ng bilateral meeting ni US President Joe Biden habang may nakalinya ring business meetings sa Washington DC.
Samantala, tatlo naman ang magiging caretaker ng bansa habang nasa US ang Pangulo.
Ito ay sina Vice President Sara Duterte, Executive Secretary Lucas Bersamin, at si DAR Sec. Conrado Estrella.