-- Advertisements --

Target pabilisin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng lahat ng railways projects sa Pilipinas.

Dahil dito, lumikha ang Pangulo ng isang Inter-Agency Committee for Right-of Way (ROW) Activities para sa National Railway Projects.

Nakasaad sa Administrative Order No. 19 na ang Inter-Agency Committee ang mag-aaral at gagawa ng episyenteng mekanismo para mapadali ang proseso ng land acquisition o pagbili ng mga lupa na kinakailangan para sa railway projects.

Batay sa kautusan, kabilang sa kapangyarihan at mga tungkulin ng komite ang pag-coordinate ng mga polisiya at proyekto, pagbuo ng mga polisiya at programa, at pagtukoy ng angkop na mga serbisyo at programang may kaugnayan sa land acquisition gaya ng livelihood, income restoration at resettlement.

Tutukuyin rin nito ang kasalukuyang mga polisiya, kasunduan, kontrata at iba pang arrangements na epektibo sa implementasyon ng mga proyektong riles.

Magsisilbing chairperson ng inter-agency committee ang kalihim ng Department of Transportation katuwang ang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development.

Miyembro naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG); Department of Social Welfare and Development (DSWD); Department of Environment and Natural Resources (DENR; Department of Finance (DOF); Department of Budget and Management (DBM); Department of Justice (DOJ); at Office of the Solicitor General (OSG) habang tatayong secretariat ang Philippine National Railway.
Sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028 at sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng Marcos administration ay layon na palakasin ang transportation sector ng bansa.

Kabilang sa mga priority infrastructure projects ng Marcos Jr. administration ay ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway System, Mindanao Railway Project, at PNR South Long Haul projects.