Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Department of Tourism Secretary Christina Frasco sa kabila pa ng natanggap nitong batikos matapos pumutok ang kontrobersiya sa Love the Philippines na bagong tourism campaign video ng ahensya na gumamit ng mga stock video na kuha sa ibang bansa.
Ayon sa Pangulo na nakausap niya na si Tourism Secretary Frasco matapos mabunyag ang naturang kontrobersiya at sinabing naniniwala ito na agad namang kumilos ang kalihim para maresolba ang problema at inihayag din na magiging matagumpay ang Love The Philippines gaya ng inaasam.
Kung saan nga nauna ng tinapos na ng DOT ang kontrata nito sa advertising agency na DDB Philippines na nasa likod ng kontrobersyal na Love the Philippines promotional video campaign.
Sinabi pa ng Punong ehekutibo na kasunod ng naturang isyu masusing pinag-aralan na rin ang iba pang mga kontrata ng ahensiya na nasa pipeline.
Una ng inihayag ng DOT na nasa kabuuang P49 million ang ginastos para sa bagong tourism campaign na inilunsad noong Hunyo 27.
Humingi na rin ng paumanhin ang ad agency sa paggamit ng stock footage para sa promotional video at nilinaw na walang ginastos mula sa kaban ng bayan.
Plano naman magsagawa ng Kongreso ng imbestigasyon kaugnay sa naturang isyu sa oras na magbalik na ang sesyon.