Mariing pinasinungalingan ng Malakanyang ang alegayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ninakaw at ibinenta na ni Pangulong Ferdinand Marcos jr ang gold reserves ng bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, binigyang diin ni Presidential Communications Office USec at Palace Press Officer Atty Claire Castro na ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang tanging nangangalaga at nangangasiwa sa gold reserves ng Pilipinas, at kailanman ay hindi ito pinakikialaman ng pangulo.
Sinabi ni Castro na tila walang nagpapayo kay dating Pangulong Duterte na regular activities ng BSP ang pagbibenta ng gold reserves upang makatugon sa exchange requirement ng Pilipinas.
Batay na rin aniya sa pahayag ng BSP, bahagi ng kanilang mandato na hindi dapat humawak ng sobra sobrang ginto kaya may pagkakataon na dapat itong ibenta kung mataas ang presyo nito.
Ayon sa opisyal sa katunayan nitong 2024, pumalo pa sa 106.3 billion USD ang gross international reserved (GIR) ng Pilipinas, mula sa PhP103.8 billion USD noong 2023.
Ayon kay Castro, October 2024 pa nasagot ang alegasyong ito ng dating pangulo, kaya’t hindi niya maunawaan kung bakit paulit – ulit itong inuungkat ni Duterte.
Naniniwala si Usec Castro, na panibagong joke o campaign promise na naman ng dating pangulo ang mga ganitong pahayag.
Pagtiyak ni Castro na hindi hahayaan ng gobyerno na magpatuloy sa pagkalat ng mga maling impormasyon ang kampo ni Duterte kayat seryosong sasagutin ito ng Malakayang ang mga ganitong pahayag, upang maipabatid sa publiko kung ano ang tama at totoong impormasyon.