Hindi katanggap-tanggap para kay Pang. Ferdinand Marcos Jr na i-bully at iharas ng mga dayuhan ang mga Filipino sa sarili nating bansa.
Nakarating na kasi kay Pang. Marcos ang nasabing insidente kung saan binully at hinarass ng Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ang ilang kababayan natin.
Dahil dito agad na pinakilos ng Pangulo ang mga otoridad kung saan nagkasa ng joint operations ang PNP CIDG kasama ang Bureau of Immigration para mahuli si Vitaly Zdorovetskiy na isang vlogger.
Makikita kasi sa social media post ng Russian-American vlogger kung paano bastusin nito ang ating mga kababayan at hindi man lamang nito iginalang ang ating batas.
Pinasisiguro ng Pangulo na ma proteksiyon ang karapatan ng ating mga kababayan mula sa mga banyagang walang respeto at nilalapastangan ang ating batas.
Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro kasong criminal ang kahaharapin ng banyagang vlogger at ang kasama nitong Pinoy na cameraman.
Binalaan din ng Palasyo ang mga banyagang turista na nasa bansa na sundin at irespeto ang batas natin.
Panawagan din ni Castro sa mga content creators na maging responsable sa kanilang mga content dahil may responsibilidad ang mga ito na magbigay ng tamang impormasyon at hindi sirain ang gobyerno ng walang basehan.
Inihayag naman ni Usec Castro na ipapadeport na ang russian-american vlogger at maari itong madeklara na persona non grata.