-- Advertisements --

Dinipensahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagiging tahimik ni Vice President Sara Duterte sa usapin may kinalaman sa West PH Sea at mga agresyon ng China.

Saad ng Pangulong Marcos na hindi tungkulin ng Bise Presidente at bilang kalihim ng DepEd na magsalita ukol sa naturang usapin.

Paliwanag din ni PBBM na parte si VP Sara sa katayuan ng pamahalaan laban sa agresibo at panghihimasok ng China.

Nakasisiguro din ang punong ehekutibo na ipapaalam ito sa kaniya ni VP Sara kung mayroon man itong napakaseryosong pagdududa sa ginagawa ng kaniyang administrasyon pagdating sa foreign policies.

Una nga rito, umani ng kritisismo ang umano’y nakakabinging katahimikan ni VP Sara sa isyu sa WPS kabilang ang pambobomba ng water cannon ng mga barko ng China sa resupply boat ng PH habang nagsasagawa ng resupply mission para sa mga tropang Pilipino na nagmamando sa Ayungin shoal.

Ilang grupo din ang nagpahayag na ang pagiging tahimik ng Bise Presidente ay pagtataksil gayong nagawa umano nito na makapagsalita sa isyung kinasasangkutan ni Pastor Apollo Quiboloy na iniimbestigahan Kongreso at humaharap sa mga kaso ng sexual abuse, maltreatment at qualified human trafficking sa Davao city at Pasig city court.

Una naman ng ipinaliwanag ni VP Sara noong Abril 8 na hindi ito magbibigay ng komento sa usapin at inulit ang naging posisyon ng kaniyang kapatid na si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na dapat na ang Department of Foreign Affairs at Department of National Defense ang tumugon sa mga katanungan may kaugnayan sa foreign policy.