-- Advertisements --

Malaki ang epekto sa Pilipinas ang pagbiyahe ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa abroad na siyang nagsisilbing daan para sa pagbuo ng imahe ng Pilipinas para maging investment hub.

Ito ang inihayag ni Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Deputy Director General Aleem Siddiqui Guiapal sa isang panayam.

Nakatakdang bumiyahe ngayong araw si Pangulong Marcos sa Amerika, kung saan bukas, May 1,2023 nakatakda ang kanilang bilateral meeting kasama si US President Joe Biden.

Binigyang-diin ni Guiapal, ang mga biyahe abroad ng Chief Executive partikular sa Amerika ay mayruong long-term impact para makahikayat ng maraming investors para mamuhunan sa bansa.

“The impact of the presence of the President in the United States really strengthened iyong confidence po ng ating mga investors na mag-invest dito sa Pilipinas,” pahayag ni Guiapal.

Aminado si Guiapal na maraming hamon ang kahaharapin partikular sa pag-akit ng mga investors, gayunpaman ang foreign trips ng Pangulong Marcos ay malaking factor para ipakilala ang Pilipinas sa global market.

“Katulad nga po ng kanyang state visit this coming April 30 to May 4 sa United States. Iyon po iyong political will na binabanggit natin na kung saan, when there’s good governance, there’s political will, iyong mga challenges na nabanggit natin sa energy sector napupunan po iyon ng mga sistemang pinapanukala ng ating pamahalaan,” punto ni Guiapal.

Ayon sa opisyal nagsanig pwersa ang ibat ibang governmen agencies gaya ng PEZA at Department of Trade and Industry (DTI), Board of Investments (BOI) para bumuo ng mga istratehiya para makahikayat ng mga foreign investors para magnegosyo sa Pilipinas.

Sinabi ni Guiapal na batay sa kanilang datos nuong last quarter ng 2022 nakapagtala sila ng nasa Php140 billion investments, kung saan ang kabuuang bilang ng foreign direct investment (FDI) inflow ay mula sa Amerika na mayruong $10.5 million.

Kabilang sa mga major investors sa bansa ay ang Japan, domestic businesses, US, European Union, at South Korea.