-- Advertisements --

Kapansin-pansin ang hindi pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang kapatid na si Senator Imee Marcos sa kaniyang pag-endorso sa mga Senatorial candidate ng kaniyang partido na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa kanilang campaign rally nitong gabi ng Biyernes sa Trece Martires sa lalawigan ng Cavite, na isa sa itinuturing na vote-rich provinces o may malaking bilang ng mga rehistradong botante sa bansa.

Sa bahagi ng kaniyang campaign speech, iniisa-isang ipinakilala ng Pangulo ang mga Senatorial candidate at pinuri ang mga track record at backgrounds ng mga ito, subalit hindi binanggit ng Pangulo ang pangalan ni Senator Imee Marcos na hindi nakadalo sa campaign rally.

Subalit si Las Pinas city Cong. Camille Villar na hindi din present sa kampaniya ng partido ay in-endorso pa rin ng Pangulo.

Ang tila hindi pag-endorso naman ng Pangulo sa kaniyang kapatid ay kasunod ng naging pahayag ni Sen. Imee na hindi muna ito sasama sa campaign rallies ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas dahil pagtutuunan niya ng pansin sa ngayon ang Senate inquiry sa kontrobersiyal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na isinuko ng Marcos administration sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Matatandaan na nanatili si Sen. Imee bilang kaalyado ng dating Pangulo na nagpahintulot sa paglilibing sa kanilang ama na si yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.