-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga negosyanteng Arabo na ang pamumuhunan sa mga pangunahing sektor sa Pilipinas ay magtitiyak ng mas mataas na paglago.

Ito’y matapos imbitahan ng Chief Executive ang mga negosyanteng Arabo na maglagak ng investment at maging bahagi sa development ng bansa.

Umaasa naman ang Pangulo na mag-invest ang mga negosyanteng Arabo sa Pilipinas.

Sinabi ng Pang. Marcos na hindi dapat limitahan ang ating labor market, dapat mag explore ng mga bagong negosyo.

Aniya isang magandang pagkakataon ang ASEAN-GCC Summit para palakasin pa ang investment sa GCC countries.

Ang partnership na ito ay hindi lamang sasaklaw sa kalakalan kundi sa iba pang larangan tulad ng telekomunikasyon, pangangalaga sa kalusugan, enerhiya, at maging sa agrikultura.

Ipinunto ng Pangulo na ang pangunahing prinsipyo ng mga plano ng gobyerno para sa pag-unlad ng Pilipinas ay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor.

Sa isinagawang presentasyon kasama ang mga negosyo sa Saudi, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na kabilang sa layunin ng administrasyong Marcos ay ang akitin ang direktang equity investment mula sa lokal at pandaigdigang pondo, magsagawa ng co-financing at pagbabahagi ng kaalaman sa iba pang sovereign wealth funds, mapabilis ang pagpapatupad ng 197 proyektong imprastraktura, at mamuhunan sa mga umuusbong na megatrends gaya ng digitalization, ESG, at pangangalaga sa kalusugan.

Siniguro din ng Pangulo sa mga negosyante ang transparency at accountability sa pamamagitan ng financial reporting standards and principles sa sovereign fund ang Maharlika Investment Fund.

Aniya, magkakaroon ito ng tatlong audit layers ito ay ang Internal at external auditor, kasama ang Commission on Audit (COA).
Mayruon ding Joint Congressional Oversight Committee na mag evaluate sa implementasyon ng Maharlika Investment Fund.