Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga benepisyaryo ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program na mahalin at ingatang mabuti ang kanilang bagong tahanan.
Ito ay upang magsilbing pundasyon ng mga pangarap at magandang kinabukasan.
Sa kanyang talumpati sa ceremonial turnover ng National Housing Authority (NHA)-Balanga City Low-Rise Housing Project, sinabi ng Pangulo na sa ganitong paraan ay sabay-sabay na uunlad at giginhawa ang komunidad.
Ipinunto rin ni Pangulong Marcos na patuloy ang pagpupursigi ng gobyerno upang mabigyan ng maayos na tahanan ang mga Pilipino, kasabay ng pangakong suporta mula sa national government, LGU, at pamahalaang panlalawigan.
Nasa 216 housing units ang tinurnover sa Balanga, Bataan bilang bahagi sa commitment ng administrasyon na bigyan ng maayos na tahanan ang mga mahihirap nating mga kababayan.